Paano Malalaman Kung Buntis ang Babae?

Ang pagbubuntis ay biyayang Diyos para sa mga kababaihan. Binibigyan Niya ng kakayahan ang isang babaeng magdala ng sanggol sa kaniyang sinapupunan. Ito rin ay pagkakatong pangalagaan ang ipinagbubuntis ng 9 na buwan bago pa man isilang. Dahil dito, mahalagang malaman ng isang magiging ina ang mga dapat at hindi dapat gawin kapag siya ay buntis. Una sa lahat, importanteng malaman nang maaga ang kundisyon. Ngunit, paano malalaman kung buntis ang babae?

Paano malalaman kung buntis ang babae: Mga Palatandaan ng pagbubuntis

Pagkadelay ng regla, paghahilo, pagsusuka at madalas na pagkaantok ay ilan lamang sa mga senyales ng pagbubuntis. Subalit hindi sa lahat ng oras, palatandaan ang mga ito para sabihing ang isang babae ay buntis. Kung minsan, ito rin ang nararamdaman 1 hanggang 3 araw bago dumating ang menstruation. Kung delayed na ang period, mahalagang alamin na ang mga paraan ng pagtukoy sa kundisyon. Malaki ang posibilidad na ikaw ay buntis.

Ang pinakamadali at posibleng paraan kung paano malalaman kung buntis ang isang babae ay sa pamamagitan ng isang pregnancy test kit. Ito ay nabibili over the counter kaya mabilis at madali lang ang pagtetest ng ihi. Kung ang kalalabasan ng test ay positive, malaki ang tsansa ng pagbubuntis.

Mga pakiramdam kung paano malalaman kung buntis ang babae

May mga bagay na puwedeng maramdaman kung ikaw ay buntis. Madalas, ito ay ‘yung mga bagay na hindi mo pa nararanasan, kung hindi man madalang. May mga babae namang hindi maselan umpisa pa lang ng kanilang pagbubuntis. Narito ang ilan sa mga maraming sintomas kung paano malalaman kung buntis ang babae:

  • Hirap dumumi
  • Sumasakit ang magkabilang suso
  • Kabag
  • Madalas malula lalo na sa umaga

Kung positibo ngang buntis, kadalasan, hindi pa ito mararamdaman sa unang linggo. Halos hindi pa naapektuhan ng pagbubuntis ang sanggol sa sinapupunan. Hindi pa nagbabago ang anyo, pareho ng nanay at ng kanyang magiging anak. Huwag asahang lalaki na kaagad ang tiyan, maging ang balakang sa unang araw pa lamang ng pagbubuntis. Nabanggit sa unang bahagi ng artikulong ito na isa sa pinakamainam na paraan kung paano malalaman kung buntis ang babae ay sa pamamagitan ng pregnancy test kit. Ngunit sa mga hindi masyadong tiwala sa ganitong paraan, may ilang mga sintomas na maaaring maramdaman.

Isa na rito ang hindi pagdating ng regla sa takdang petsa. Kung ang isang babae ay dinadatnan ng regular kada 28 na araw, malaki ang tsansang siya ay buntis sa unang 3 – 5 araw palang ng pagkadelay ng kaniyang menstruation. Spotting o vaginal bleeding ay isa ring maaaring indikasyon ng pagbubuntis. Kung may dugong nanggagaling sa puwerta ngunit wala namang regla, posibleng senyales ito ng pagbubuntis.

Kung ang isang babae ay nagiging madalas na masungit o madaling magalit na hindi naman niya dating ugali, isa rin itong senyales ng paglilihi. Ang pag-ihi nang madalas ay indikasyon rin kung paano malaman kung buntis ang babae. Ito ay dahil ayon sa mga pag-aaral, ang kidney ng isang buntis ay nakapagpo-produce ng 25 porsiyento o higit pang ihi. Ito ay dulot ng karagdagang daloy ng dugo na nang dahil sa pagbubuntis.

Mga dapat gawin kapag nalamang buntis

Kayo ba ay mga mag-asawa o mag-partner na nagpaplano nang magkaanak? Malamang na positive result ang lagi niyong dalangin sa tuwing magte-test gamit ang pregnancy test kit. Marami pang mga senyales ng pagbubuntis na hindi alam ng nakararami. Kabilang na rito ang temperatura ng katawan.

Kung regular na namomonitor ng isang babae ang kaniyang body temperature at napanatili ng kaniyang katawan ang init ng temperaturang ito, maaaring siya nga ay buntis. Ito, ayon sa mga eksperto, ay isa sa mga unang sintomas na nararanasan ng isang buntis. At kung nagdadalantao nga, hindi ito regular na lagnat na basta na lamang iinuman ng paracetamol. Mainam na kumonsulta sa doktor, partikular na sa isang OB/GYN.

Kapag naman nakasanayan nang uminom ng gamot sa kahit anong sakit na hindi kinokonsulta sa doktor, dapat nang baguhin ang nakasanayan na. Importanteng magpareseta ng mga gamot na ligtas inumin ng isang buntis. Malaki ang posibilidad ng negatibong epekto sa bata pagkapanganak nito. Napakaimportanteng alam ng isang nagdadalantao ang mga pag-iingat habang dala-dala niya sa kaniyang sinapupunan ang sanggol.

Ilan sa mga sakit na sinasabing ‘kakambal’ ng pagbubuntis ang diabetes, alta presyon, sakit sa bato o puso, at urinary tract infection o UTI. Kaya naman bahagi ng regular checkup at treatment ng isang buntis ang mga tests para maiwasan o malunasan ang mga sakit na ito. May mga antibiotics at iba pang gamot na ligtas inumin ng buntis. At kapag nasuring may diabetes o mataas ang blood sugar ng isang babaeng nagdadalantao, mas rekomendado ng doktor pag-iiniksiyon ng insulin.

Mga hindi dapat gawin kapag nalamang buntis

Hindi lamang ang mga bagay na dapat gawin ang importanteng malaman. Dapat ding matutunan ng isang buntis ang mga dapat nitong iwasang gawin. Una na rito ang pag-inom o paggamit droga at alkohol. Ayon sa mga dalubhasa, ang pag-inom ng alak, paninigarilyo at higit sa lahat, ang paggamit ng anumang uri ng droga ay nakapagpapahina ng ulo ng sanggol. Maaari rin siyang magkaroon ng abnormalidad sa pag-iisip at panunaw sa tiyan.

Ang medisina ay isa pang importanteng bagay na dapat iwasan kapag nagdadalantao. Hindi lahat ng gamot ay ligtas inumin. Maging ang mga bitamina ay hindi basta-basta puwede inumin ng isang buntis. Kailangang aprubado ng doktor o OB/GYN ang bawat gamot o bitaminang iniinom o iinumin pa lamang. Ang pag-inom ng gamot nang walang paalam sa duktor ay maaaring makapagdulot ng panganib sa isisilang na sanggol.

Iwasan ang pagdagdag ng timbang dahil sa sobrang pagkain. Natural sa isang buntis ang pagbigat. Ngunit kung ang pagdagdag ng timbang ay dahil sa sobrang kain ng matatamis, mamantika at iba pang nakakatabang pagkain, ito ay dapat dapat nang tigilan. Upang hindi na lalong bumigat pa, importanteng umiwas sa mga bawal na pagkain gaya ng sobrang maalat, matamis, mamantika at matabang mga pagkain.

Maraming nabanggit na sintomas at senyales ng pagdadalantao. Ang pinakasiguradong paraan kung paano malalaman kung buntis ang babae ay ang pagkonsulta sa doktor. Maaaring pumalpak ang resulta ng pregnancy test kit. Maari ring ang mga inisiyal na nararamdaman ng isang babae para magdudang siya ay buntis ay, ika nga, ‘false alarm.’ Dahil gaya ng nabanggit na, ang pakiramdam ng isang babago pa lamang na buntis ay siya ring nararamdaman ng isang babaeng malapit nang magkaroon ng regla.

KATULAD NA MGA ARTIKULO