Pagbubuntis 

Mga Bawal sa Buntis: Mga Bagay na Hindi Pwede sa Buntis

  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  

Ang pagbubuntis ng isang babae ang pinakamasayang yugto ng kaniyang buhay. Ang isang mapagmahal na ina ay laging inisip ang kapakanan ng kanyang supling kahit nasa loob pa lamang ito ng kayang sinapupunan. Iniiwasan niya ang mga bagay na bawal sa buntis. Pag-usapan natin ngayong ang mga bagay na bawal at dapat na hindi ginagawa ng isang nagdadalang tao.

Anu-ano ang mga bawal sa pagbubuntis?

Ang pagbubuntis ay dapat ingatan dahil nakasalalay dito ang kalusugan ng iyong sanggol. Habang lumalaki ang sanggol sa iyong sinapupunan ay sa’yo siya kumukuha ng lakas at ng mga sustansiya na kailangan niya sa kanyang paglaki. Kasabay ng pag-iingat ay dapat mo ring iwasan ang mga bagay na makakasama sa kanya. Kaya dapat mong alamin kung ano talaga ang mga bawal sa buntis.

Narito ang ilang mga bawal sa buntis:

May mga pagkain na bawal sa buntis na nararapat lamang na iwasan ng isang nagdadalang tao. Huwag kang kakain ng mga hilaw na pagkain gaya ng:

  • Mga shellfish katulad ng tulya at talaba. Iwasan din kahit na ang pagkain ng karne kung ito ay hilaw o kaya ay hindi niluto ng maayos. Ang mga ito ay maaring makontamina ng toxoplasmosis o salmonella na maaaring magdulot ng seryosong sakit sa ina at sanggol.
  • Iwasan din ang mga deli meat dahil ito ay maaring makontamina ng listeria, isa itong bakterya na maaring umabot sa placenta at magdulot ng impeksyon sa lumalaking sanggol sa sinapupunan ng isang buntis .Mapanganib din sa buntis na maimpeksyon ang matris dahil maaring magkaroon ng lason sa dugo at malagay sa panganib ang buhay ng sanggol.
  • Mga isda na mayroong mataas na mercury level katulad ng pating, king mackerel, espada o swordfish, at tilefish. Ang mga isda na ginagamit para gumawa ng sushi ay kadalasan na mataas ang mercury level. Ang mercury ay nakasasama sa buntis dahil maaring maging mabagal ang mental development ng sanggol o mauwi ito sa brain damage.
  • Mga pina-usukang isda o seafood – ang mga pinausukan at refrigerated seafood tulad ng tinapa ay maaring makontamina ng listeria.
  • Hilaw na itlog at mga pagkain ng mayroong sangkap na galing sa hilaw na itlog katulad ng homemade Caesar dressing, hollandaise sauces at mayonnaise. Ang mga ito ay maaring pagmulan ng salmonella.
  • Mga malambot o soft cheeses at mga ganitong uri ng keso ay maari ring magkaroon ng listeria. Ang mga imported na keso gaya ng Roquefort feta, gorgonzola, camemebert, brie, Mexican queso blanco, at queso fresco.Unpastuerized diary mga bawal sa buntis ang pagkaing ito.

Iwasan ang mga bawal sa buntis na pagkain, ngunit kailangan kang kumain ng balance at masustansiyang pagkain. Ang mga berdeng gulay at prutas ay dapat na kainin para makatulong sa iyong kalusugan at sa sanggol na iyong dinadala sa iyong sinapupunan.

Narito ang pagkain na makakatulong sa isang buntis:

  • Mga pagkain na mayaman sa protina
  • Pagkain na mayaman sa healthy fats
  • Kumain ng maraming prutas at berdeng gulay

Mga gawain o kalagayan na bawal sa buntis

Bawal din sa isang buntis ang makalanghap o ma-expose sa pintura. Bagamat sinasabing wala naman talagang sukatan kung papano malalaman ang toxicity ng pintura dahil ay depende ito sa kung gaanong chemicals at solvent mayroon ito, ipinapayo parin na huwag magpintura ang isang buntis. Mas makabubuting ipagawa na lamang ito sa iba. Nararapat din na malayo sa nagpipintura ang isang buntis.

Isa rin sa mga bawal sa buntis ay ang pagkakape. Ayon sa mga pag-aaral ang pagkakape araw-araw ay maaring magdulot ito ng pagtaas ng presyon ng dugo ng isang tao. Nagpapablis ito ng pagtibok ng puso. Kung minsan ay nagiging sanhi ito ng pagpabalik-balik sa banyo dahil sa malimit na pagdumi. Ang pagkape ay bawal sa buntis dahil ang caffeine ay maari ring umabot hanggang sa placenta ng isang buntis. Maituring na isa rin sa mga bawal sa buntis ang pagkakape dahil makakasama ito sa develop ng sanggol sa sinapupunan.

Pag-inom ng gamot kung buntis

Bawal din sa buntis ang basta basta na lamang na pag inon ng gamot. Kung mayroong kang mga nararamdaman, nararapat lamang na kumunsulta sa doktor. Ang pag-inom ng gamot na hindi iniresita ng doktor ay maaring makasama sa kalusugan ng sanggol.

Pag-suot ng sapatos o sandal na mataas ang taking kung buntis

Ang pag-suot ng sapatos o sandals na may mataas na takong ay bawal din sa buntis. Maari itong magdulot ng hindi komportableng pakiramadam at maari pa itong mauwi sa isang aksidente kung sakaling matapilok ang isang buntis. Kapag nangyari ito ay maaring makunan ang isang nanay.

Bawal sa buntis ang magbabad sa mainit na tub o kaya ay sauna

Kung minsan dahil sa mga hindi kanais-nais na pakiramdam dala ng pagbubuntis ay iniisip ng ilan na magbabad sa maiinit na tub. Ang pagtaas ng body temperature sa unang trimester ng pagbubuntis ay maaring magdala ng mga panganib sa fetus.

Iwasan ang pagpaligo o pag aasikaso ng alagang pusa kung buntis

Bawal rin sa isang buntis ang pag-papaligo o pag-aasikaso ng pusa. Kung may mga pagkakataon na hindi ito maiwasan ay siguraduhin na mag-suot ng gloves o mag-hugas ng kamay pagkatapos na gawin ito. Ang pusa ay maaring magdala ng toxoplasmosis. Ang alagang ito ay maaring ring mag-dala ng mga sakit na dala ng mapaminsalang mga parasite. Mas makabubuti na iba na lamang ang gumawa ng pag-aasikaso sa alagang pusa kaysa sa mismong ang buntis ang gumawa.

Iwasan ang makalanghap ng usok lalo na kung ito ay galing sa paninigarilyo ng iba

Ang mkalanghap ng usok lalo na ng secondhand smoke ay talagang mapanganib sa kalusugan kapwa ng buntis at ng kanyang sanggol. Tinatayang mayroong halos 4,000 chemicals galing sa usok ng sigarilyo na ibinuga ng iba at nalanghap naman ng ibang tao.

Pag-inom ng alak

Isa rin sa mga bawal sa buntis ay ang pag-inom ng alak. Ang pag-inom ng alak ay makakasama sa sanggol na nasa sinapupunan ng isang buntis. Ang alcohol ay mabilis dumaloy sa dugo patungo sa placenta hanggang sa pusod ng sanggol. Nang dahil dito maaring maapektuhan ang pag-develop ng utak at mga organ ng sanggol.

Mga panganib na maaaring dalhin ng pag-inom ng alak kung buntis

  • Premature na pagsilang
  • Fetal alcohol disorders
  • Brain damage
  • Birth defects
  • Pagkalaglag

Pagtayo o pag-upo ng matagal kung buntis

Sa panahon ng pagbubuntis,dapat mong iwasan na nakapirme lamang sa isang kinalalagyan. Ang matagal na pag-upo o pagtayo ay maaring maging problema. Ang pamamaga ng sakong at pangangalay ay maaaring maranasan kung matagalan sa isang posisyon ang paa. Makatutulong ang paggalaw nito sa ibang posisyon at kung naka-upo naman ay mas makabubuting ipatong sa medyo mataas na posisyon ang mga paa.

Huwag agad-agad na maniwala sa mga nababasa kung ikaw ay buntis

Ang mga nababasa natin o mga impormasyon na nakukuha natin ay hindi naman lahat totoo. Kaya makabubuting huwag basta maniwala sa mga nababasa. Mahalaga na suriing mabuti ang mga ito. Huwag hayaang maapektuhan ng mga bagay na hindi naman makatotohaan dahil baka maapektuhan nito ang iyong maselang kalagayan ng pagbubuntis.

Ang pagbubuntis ay hindi naman pang-habang buhay, pero ito ay isang mahalagang yugto ng pagiging isang ina. Pagkapos mong manganak ay magagawa mo na rin ang lahat na dati mong ginagawa, makakain ang mga gusto mong kainin. Ang mahalaga, sa panahon ng ating pagbubuntis ay sinunod natin ang mga bawal sa pagbubuntis.

KATULAD NA MGA ARTIKULO


  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •