Mga Sintomas ng Buntis sa Unang Linggo na Dapat Malaman

Clueless ka ba kung ikaw ay buntis o hindi? Kung sabik na sabik na kayong magka-baby ng asawa o ka-partner mo, tiyak na interesado kang malaman kung ano ang mga sintomas ng buntis sa unang linggo pa lamang ng delayed menstruation mo. Excited ka na rin sigurong maramdaman kung ano ang mga nararamdaman ng mga buntis. Bagama’t mahirap, siguradong gustong-gusto mo nang i-share sa mg kaibigan at mahal mo sa buhay ang iyong ‘buhay buntis.’

Kung talagang excited ka na, huwag na nating patagalin ito! Tiyak bawa’t impormasyong mababasa mo sa artikulong ito ay mahalaga sa iyo. Sigurado ring walang maliit o malaki pagdating sa mga detalye ng pagbubuntis na matutuklasan mo rito. Narito na ang ilang mga importanteng bagay na dapat mong malaman:

  • Pagbubuntis sa unang linggo
  • Kung paano makasisigurong ikaw nga ay buntis
  • Pagsusuring pwedeng gawin
  • Ibat-ibang sintomas na maaaring maramdaman
  • Mga senyales sa unang linggo ng pagbubuntis
  • Mga maaaring maramdaman ng babaeng naglilihi

Katotohanan sa unang linggo ng pagbubuntis

Halos lahat ng OB-Gyne ay binibilang na ang simula ng pagbubuntis ng isang babae mula sa huling araw na kaniyang regla. Marahil ay ang binabatayan nila ang ovulation at ang conception kaya nila nasasabi ito. Ngunit kung minsan, hindi rin naman ito nagkakatugma dahil ang cyle ng regla ay hindi pare-pareho, kaya ang simula ng pagbubuntis ay depende sa haba ng cyle ng regla.

Sa panahon ng unang prenatal check-up, dito matutukoy ng OB kung ilang linggo na ang pagbubuntis batay sa mga pagsusuri na maaaring gawin. Makatutulong kung aalamin ang cyle ng regla at mga sintomas na maaaring maramdman para malaman ng OB ang tunay na kalagayan. Mahalaga ring alam ng isang babae ang mga sintomas ng buntis sa unang linggo pa lamang para makapag-ingat na sa sarili.

Sintomas ng buntis sa unang linggo

Narito ang ilang sintomas ng buntis sa unang linggo:

  • Spotting – karamihan sa mga babae ay nakakaranas ng spotting sa unang linggo ng kanilang pagbubuntis dahil sa implantation. Sa panahong ito ay dumidikit ang fertilized na itlog sa matris. Nagkakaroon din ng shedding ng dugo sa dingding ng iyong matris.
  • Pananakit sa ibabang bahagi ng likod – dahil ito sa pagdikit ng fertilized na itlog sa dingding ng matris. Dahil dito ay puwedeng sumakit ang ibabang bahagi ng likod, maging ng tiyan.
  • Kabag – Ito ay dahil sa pagbabago ng hormones. Ang naturang sintomas ay maihahalintulad din sa pakiramdam ng isang babae bago datnan ng regla at sa panahon ng kaniyang regla.
  • Pabago-bago ng mood – ang pagbabago ng hormones ay puwede ring makaapekto sa emosyon emosyon ng babae na nagdudulot ng pabago-bago ng kaniyang mood.
  • Pananakit ng ulo – Ito ay dahil din sa pagbabago ng hormones, na katulad din ng nararanasan sa panahon mismo ng regla.

Mga sintomas ng buntis sa unang linggo sa loob ng iyong sinapupunan

Sa unang linggo ng iyong pagbubuntis, ang iyong fertilized na itlog ay dumidikit na sa dingding ng iyong matris kaya nabubuo na ito bilang isang fetus. At sa panahong ito ay hindi na maglalabas pa ng itlog ang iyong obaryo. Ang ibig sabihin, confirmed na ngang buntis ka.

Ayon sa mga pag-aaral, ang itlog ng babae ang pinakamalaking cells sa katawan. Inilalabas ito ng isa (kung minsan dalawa pero bihira itong mangyari) sa pagitan ng 10-19 araw ng iyong cycle o 14 araw bago ang araw ng susunod na regla. Ang itlog ay puwedeng ma-fertilize sa loob ng 12-24 oras pagkatapos mailabas ng iyong obaryo. Kaya kung gustong magkaanak mas makabubuti ang pakikipagtalik bago pa ang ovulation o paglabas ng itlog. Ang sperm ay maaaring mabuhay sa loob ng katawan ng babae ng 5-6 araw. Kaya kung gagawin ito ay malaki ang tyansa ng pagbubuntis.

Ang unang linggo ng pagbubuntis ay puwedeng hindi kaagad mamalayan. Ang babae ay hindi pare-pareho kaya iba-iba rin ang puwedeng maramdaman. Ang karamihan sa mga sintomas ng buntis sa unang linggo ay pagsakit ng suso, panghihina, pakiramdam ng pagod at iba pa. Sa panahong ito ay makabubuting iwasan ang paninigarilyo, pag-inom ng alak at sobrang pag-inom ng kape. Ang mga maling gawaing ito ay makasasama sa iyong kondisyon lalo na sa sanggol sa sinapupunan mo.

Ngayong alam mo na ang sintomas ng buntis sa unang linggo at ang unang linggo sa loob ng sinapupunan, importanteng malaman mo naman kung paano makakasiguro kung ikaw ay buntis at kung paano ito malalaman.

Ultrasound sa unang isang linggo ng pagbubuntis

Ang isang mabisang paraan para makasigurado kung ikaw nga ay buntis ay ang pagpapa-ultrasound. Nang dahil dito, puwedeng malaman ang pag-develop ng fetus. Makikita din kung malusog ito at maganda ang kapit. Kapag nakita ng doktor na mahina ang kapit ni baby sa iyo, maaaring siyang magbigay ng gamot na pampakapit at mga kinakailangang bitamina.

Mga iba pang sintomas ng buntis sa unang linggo na puwedeng maranasan

Narito ang ilang sintomas na pwedeng maranasan:

  • Ang isa sa unang sintomas ng unang linggo ng pagbubuntis ay hindi ka dinatnan ng regla. Ang hindi mo pag-regla sa iyong cyle ay isang senyales na buntis ka.
  • Pananakit ng puson dahil sa implantation o pagdikit ng fertilized na itlog sa dingding ng iyong matris.
  • Vaginal discharge o malagkit at parang gatas na lumalabas sa iyong maselang bahagi. Ang ganitong kalagayan ay puwedeng maranasan ng babae sa buong panahon ng kanyang pagbubuntis. Kapag ang mga lumalabas na discharge sa iyong maselang bahagi ay may masamang amoy at makati, kumonsulta kaagad sa iyong doktor dahil baka mayroon kang impeksyon.
  • Pagbabago sa iyong dibdib o suso, ang paglaki, pagtigas, pakiramdam na mabigat at kung minsan ay pananakit, ay sintomas ng buntis sa unang linggo, ngunit nawawala din ito kung minsan kapag tumagal.
  • Panghihina at pagsusuka o madalas na tinatawag na morning sickness – Nararanasan ito hanggang sa ika-13-14 linggo ng pagbubuntis. Ngunit may mga babae namang hindi ito nararasan sa panahon ng kanilang pagbubuntis.
  • Nagiging maselan ang pang-amoy. Kung minsan, ito ang nagiging dahilan ng kanilang pagsusuka kapag nakaamoy ng hindi nagustuhan.
  • Madalas na pag-ihi – Nararanasan ito ng buntis kung minsan sa buong panahon ng pagbubuntis
  • Pagkahilo dahilan sa pagbabago ng hormones, kaya na-aapektuhan ang glucose at blood pressure ng buntis na siyang nagiging sanhi ng pagkahilo.
  • Pananabik sa mga gustong pagkain, samantalang nasusuka naman sa hindi gusto – ang karaniwang tawag dito ay paglilihi

Ang mga ito ay iba pang mga sintomas na maaaring maramdaman ng buntis. Kapag may mas malalang naramdaman tulad ng sobrang panghihina, pagsususka at pagkahilo, kaagad na kumonsulta sa iyong doktor. Alagaan ang katawan bago pa man ang pagbubuntis. At sa panahon ng pagbubuntis naman, mas doblehin pa ang pag-aalaga ng sarili para magkaroon ng malusog na sanggol.

KATULAD NA MGA ARTIKULO