Paano Mapipigilan ang Pagbubuntis?

Ang pagbubuntis ay isang malaking hakbang para sa dalawang tao, lalong lalo na sa magiging ina. Kapag nabuntis ang isang babae, nangangahulugan ito na siyam na buwan siyang magdadalang tao. Magiging ama din ang lalaki na nakabuntis sa kanya.

Kailangan mo din na maging handa sa emosyonal, pisikal, mental at pinansyal na aspeto ng iyong buhay, babae ka man o lalaki. Ito ay dahil may mga pagbabago na mangyayari sa buhay mo na hindi mo naranasan noong hindi ka pa magkaka-anak.

Kung ikaw ay naghahanap ng impormasyon tungkol sa pagbubuntis, ang artikulo na ito ay may mga datos na makakatulong sa iyo na malaman kung handa ka. Kabilang din sa tatalakayin sa artikulo na ito ay ang iba’t ibang paraan kung paano mapipigilan ang pagbubuntis.

Paano malalaman kung buntis ba ang isang babae?

Hindi nalalaman agad kung nabuntis ang isang babae. Kadalasan, nalalaman lang ito dalawang linggo hanggang tatlong buwan mula nang nagawa ang bata.

May mga pregnancy test na puwedeng gamitin upang makumpirma kung buntis ka. Ilan dito ay kailangan mo lang ihian upang malaman kung buntis ka nga. Puwede ka din dumiretso sa isang doktor upang malaman mo na din kung ano ang dapat mong gawin.

Ang mga sumusunod ay ilan pa sa ibang mga sintomas na buntis ang isang babae:

  • Paglaki ng mga dibdib
  • Pagsusuka sa umaga
  • Pagod
  • Pagsakit ng ulo
  • Pabago-bago ang mood

Mga dapat malaman sa pagbubuntis

Kung wala ka pang karanasan sa pagbubuntis, ang mga sumusunod ay mga bagay na kailangan niyong malaman:

  • Mahalaga ang pagbisita sa doktor. Dapat may monthly check-up ka na pupuntahan upang masiguradong malusog ang nanay at ang sanggol.
  • Alahanin ang medical history ng iyong pamilya lalong lalo na sa aspeto ng pagbubuntis.
  • May tatlong trimester ang pagbubuntis. Kada trimester, may mga pagbabago sa katawan at emosyon na makikita.
  • Ang nagbubuntis ay dapat may balanced diet. Kumain ng maraming prutas at gulay. Uminom din ng vitamin at health supplements.
  • Maglakad-lakad upag may workout regimen pa din ang buntis.
  • Alamin ang maternity leave na puwede mong i-avail sa iyong kumpanya. Ito ay upang makapaghanda ka sa iyong panganganak.
  • Magsimula nang mamili ng mga gamit ng bata habang buntis pa lang. Hindi na magkaka-oras ang mag-asawa na gawin ito kapag naipanganak na ang bata.

Tips kung paano mapipigilan ang pagbubuntis

Kung paano mapipigilan ang pagbubuntis ay isa sa mga pinakamalaking tanong na kailangang sagutin ng mag-asawang hindi pa handa na maging magulang. Ang mga ito ay mga kaparaanan upang hindi muna ito mangyari sa iyo:

Abstinence. Ang hindi pagtatalik ang pinaka-epektibong paraan upang hindi mabuntis. Kung hindi magtatalik ang dalawang tao, wala talagang panganib na mabuntis ang babae.

Bagamat sinasabi na ang abstinence ay nangangahulugan na pag-iwas sa kahit anong anyo ng sexual contact, sa konteksto na ito ay vaginal intercourse lang ang bawal. Ito lang naman kasi ang uri ng sexual contact na nakakapagdulot ng pagbubuntis.

Mabisa man ang abstinence, maraming mga mag-asawa at mag-nobyo na nahihirapan itong gawin. Dapat malakas ang kalooban ng couple na gagamit ng pamamaraan na ito.

Fertility Planning. May ilang mga taong tinatawag ang paraan na ito na calendar method. Ito ay dahil sa gamit na gamit ang kalendaryo sa pagsi-schedule ng pagtatalik. Isa ito sa mga paraan kung paano mapipigilan ang pagbubuntis na matagal nang ginagamit ng mga mag-asawa.

Upang magawa ang fertility planning, dapat matantiya ang ovulation period ng babae. Ito ay upang magtalik lamang ang dalawa sa mga panahon na hindi fertile ang babae.

Paano ito nagagawa? May tatlong salik na kailangang isaalang-alang upang malaman kung ligtas na magtalik:

  • Kailangang maging mapagmatyag sa pattern ng mga nakaraang menstrual cycle upang makita kung kailan ang ovulation cycle nangyayari.
  • Kapag fertile ang isang babae, nagbabago ang kulay at pagkalapot ng kaniyang vaginal mucus. Kumukha ng tissue at ipahid ito sa ari bago umihi. Kapag ang discharge ay parang mamuti-muti at malapot, fertile siya.
  • Kung ang basal temperature ng iyong katawan ay mataas ng ilang tenths ng isang degree Celsius kahit hindi ka naman nilalamig o nilalagnat, nasa ovulation period ka.

Maganda ang fertility planning na paraan kung ikaw ay likas na mapagbantay at maingat sa mga bagay na nangyayari sa katawan mo.

Contraception. Ang contraceptives ay mga artipisyal na sagot kung paano mapipigilan ang pagbubuntis. May mga contraceptives na puwedeng gamitin lang ng mga lalaki at may mga pang-babae lang din. Sa seksyon na ito, tatalakayin ang ilan sa mga komun na contraceptives.

  • Condom – Ang condom ang isa sa mga pinakamabisa na contraceptive devices upang hindi mabuntis. Inilalagay ito sa ari ng lalaki at kung ginamit at isinuot ng maayos, may 98 porsiyento na success rate. May female condom na din na naimbento Ipinapasok ito sa ari ng babae at nakakapagpigil sa semilya na umabot sa utero ng babae.
  • Birth Control Pills – Kapag ininom ang mga ito, naglalabas ito ng mga hormones sa katawan na hinahadlangan ang pagbubuntis. Upang makabili nito, kailangan mo lang ng prescription mula sa isang doktor.
  • Morning-After Pill – Kung ang isang babae ay nakipagtalik nang walang proteksyon, kailangan niyang uminom ng morning-after pill upang hindi siya mabuntis. Isa sa mga pinakasikat na anyo ng morning-after pill ay ang Plan B. Kalimitan sa mga gamot na ito ay epektibo pa hanggang 72 na oras matapos ang pakikipagtalik.
  • Birth Control Implant – Ang birth control implant ay isang maliit na rod na kalimitan ay nilalagay sa braso. Nagre-release ito ng mga hormones upang hindi ka mabuntis. Ayon sa mga pag-aaral, ang implants na ito ay epektibo sa pagpigil ng pagbubuntis nang hanggang apat na taon.

Surgery. Kung nagkaanak ka na noon at wala ka nang planong dagdagan pa sila, may mga surgical na paraan upang maiwasan ang pagbubuntis.

Ang vasectomy ay para sa mga lalaki. Ito ang proseso ng pagpigil sa semilya na mailabas. Ang ligation naman sa kababaihan ay ang pagtali sa fallopian tube upang hindi na makaabot ang egg cell sa sperm.

Maraming bagay na puwedeng gawin na napatunayan na bilang paraan kung paano mapipigilan ang pagbubuntis. Sana ay makatulong sa iyo ang artikulo na ito upang hindi muna maging magulang.

Gaano kapaki-pakinabang ang artikulong ito?

Paano Mapipigilan ang Pagbubuntis?
1 (20%) 1 vote

KATULAD NA MGA ARTIKULO